Isang mag-asawang negosyante ang dinukot ng mga armado sa bayan ng Siocon sa Zamboanga del Norte nitong Biyernes ng gabi.
Sinabi ni Chief Insp. Joseph Maulad, hepe ng Siocon Municipal Police, bandang 7:45 ng gabi nang pasukin ng mga armado ang bahay nina Jose Duterte, 62; at Jesica Barason-Duterte, 52, kapwa magniniyog, sa Sitio Tabuk, Barangay Sta. Maria, Siocon.
Batay sa pagsisiyasat ng pulisya, bigla na lamang pumasok ang nasa pitong armadong lalaki sa bahay ng mag-asawa at puwersahang tinangay ang dalawa.
Isinakay umano ng mga suspek ang mag-asawa sa speed boat patungo sa hindi natukoy na direksiyon.
Inaalam pa ng pulisya kung kaanak ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga biktima. (Fer Taboy)