NAGSIMULA ang panahon ng Kuwaresma noong Marso 1. Kapanalig, hind ba’t mas naging makahulugan ang abo sa ating mga noo noong nakaraang Miyerkules, sa gitna ng tumataas na bilang ng mga namamatay sa ating paligid?
Ang abo sa ating noo ay hindi lamang nagpapaalala na tayo ay nagmula sa abo; ito rin ay paalala na sagrado ang buhay.
Ito ay nagpapaalala sa atin na mahalaga ang buhay. Kumusta na nga ba ang buhay sa Pilipinas? Gaano ba natin ito binibigyang-halaga?
Kung pagbabasehan ang pinakahuling datos ng social weather stations (SWS) ukol sa jobless rate, tila malamya ang marami sa atin. Umabot sa 25.1porsiyento ang adult joblessness rate noong fourth quarter ng 2016. Katumbas nito ay 11.2 milyong adults.
Ayon naman sa Philippine Statistics Authority (PSA), nasa 18% naman ang under-employment rate. Katumbas ito ng 7.5 milyong manggagawa na nagnanais pa na madagdagan ang oras ng kanilang trabaho. Ayon pa sa ahensiya, mga 54.9% o 4.121 milyong manggagawa ang nagtatrabaho ng mas kaunti pa sa 40 oras kada linggo.
Ang mga isyung ito ay ilan lamang sa kailangan nating pagnilayan ngayong Kuwaresma. Saang aspeto ba ng ating pamumuhay dapat tayo tumutok? Bilang isang lipunan, anong mga usapin at suliranin ang dapat nating bigyan ng atensiyon at solusyon? Hindi ba’t ang mga isyung gaya nito ang dapat nating harapin?
Ang panahon ng Kuwaresma ay panahon din ng pananahimik. Ito ay panahon ng pakikinig sa bulong ng Panginoon at panaghoy ng lipunan. Ito ay panahon ng pagbibigay importansiya sa buhay. Kaya lamang, nakakalungkot isipin na ngayong panahon ng Kuwaresma, maaaring mapaigting muli ang digmaan laban sa droga. Nakakalungkot isipin na ang scenario ng piyeta ay paulit-ulit sumasambulat sa atin kada umaga. Sayang ang sukdulang piyeta sa lahat – ang sakripisyo ni Hesus – kung araw-araw ay tumataas ang bilang ng bangkay sa ating paligid.
Hindi masama na magkaroon ng krusada laban sa kasamaan. Lahat tayo ay ayon diyan. Kailangan lamang maging bukas tayo sa mga makataong paraan. Kailangan lamang bukas tayo sa mga paraan na nagbibigay buhay at sigla sa lipunan.
Ang kamatayan din ay hindi malayo sa mga pamilyang gutom at walang trabaho. Sabay ng laban sa droga, tataas din nang tataas ang biktima ng kahirapan. Isipin natin kung ano ang magiging resulta nito sa kalaunan.
Ngayong Kuwaresma, maaari kayang tayo ay magnilay bilang isang lipunang nagmamahal sa bayan at sa Diyos, kahit ano pa ang relihiyon, paniniwala, at kulay? Maaari kayang pagbigyan naman natin ang kapayapaan sa ating mga lansangan at sa ating mga puso?
Ang Gaudium et Spes ay nagbibigay sa atin ng gabay sa puntong ito. Nawa’y dinggin natin: Napakahalaga para sa kinabukasan ng lipunan at ng demokrasya na makita nating muli ang karubduban ng ating mga “human at moral values” na dumadaloy mula sa ating esenya bilang tao. Ang mga “values” na ito ay hindi kailanman malilikha o masisira ninuman; bagkus dapat natin itong kilalanin, respetuhin, at isulong. (Fr. Anton Pascual)