OPISYAL nang inilunsad ng Department of Science and Technology ang DOSTv nitong Lunes ng gabi sa selebrasyon ng ika-30 anibersaryo ng Science and Technology Information Institute.
Unang inilunsad noong 2013 at nagkaroon ng soft-launch noong Mayo 2016, isa sa mga plataporma ng kagawaran ang DOSTv upang magbigay ng impormasyon sa publiko at makatulong tuwing may mga kalamidad.
Tampok sa DOSTv ang mga aktuwal na weather update, mga panayam sa mga eksperto, bulletin, trivia segment, maiikling dokumentaryo at public service announcement.
Para sa enggrandeng paglulunsad nito, pinalitan ang tagline ng DOSTv: mula sa “The Filipino Weather Channel” ay pinalitan ng “Science for the People”, para masaklaw ang mas malawak na usapin o mga paksa.
Inisyal na ipinalalabas na naka-livestream ang DOSTv channel sa www.dostv.ph/youtube at www.dostv.ph.
Sa kasalukuyan, mayroong 183 episode na ang DOSTv, na ipinapalabas mula Lunes hanggang Biyernes tuwing 11:00 ng umaga hanggang 12:00 ng tanghali.
Tinatrabaho ngayon ng Department of Science and Technology na mas mapalakas ang laman ng programa at mapabuti ang pagsasanay sa mga tauhan sa studio para sa dokumentasyon, production, editing, at broadcast function.
Dagdag pa ng Department of Science and Technology, plano nitong maipalabas ang DOSTv sa free TV para mas ma-access ito ng publiko.
Inihayag ni Science and Technology Information Institute Director Director Burgos na nakipagtulungan ang Department of Science and Technology sa People’s Television (PTV)-4 at Global News Network (GNN) para sa DOSTv upang makaabot sa mas malawak na audience.
Maaari pa ring mapanood ang DOSTv sa nabanggit na mga website, bagamat ang plano ay mailagay ang DOSTv sa national TV.
Dagdag pa ni Burgos, nakikipagtulungan na ang Department of Science and Technology sa SciDev.Net para sa mga itatampok sa DOSTv.- PNA