PATULOY na tinututukan ng mundo ang United States habang nakaantabay sa mga susunod na gagawin ni President Donald Trump kaugnay ng kampanya nito laban sa imigrasyon. Hinarang ng korte ang inisyal na plano niyang pagbawalan ang pagpasok sa bansa ng mga immigrant mula sa pitong bansa sa Gitnang Silangan na mayorya ng mamamayan, at sinabi niyang magpapatupad siya ng panibago.
Nitong Martes, sa kanyang talumpati sa Kongreso, ay sinabi niyang bagamat pinaninindigan niya ang planong isailalim sa matinding vetting ang ilang pagdating sa Amerika mula sa ilang bansa, imumungkahi rin niya ang isang “merit-based” immigration system, gaya ng sa Canada at Australia, na pahihintulutan ang pagpasok sa Amerika ng mga kinakailangang manggagawa mula sa ibang bansa.
Labis na nagdusa ang industriya ng pangangalagang pangkalusugan sa Amerika matapos na maharangan ng unang anti-immigrant executive order ni Trump ang maraming dayuhang doktor, mananaliksik at iba pang health workers. Natukoy na halos 30 porsiyento ng mga doktor sa Amerika ay mga immigrant. Nasa 23 porsiyento naman ang mga nurse at home health aide.
Naapektuhan din ng executive order ang mga higanteng kumpanya ng software sa Silicon Valley, dahil kinakailangan ng mga ito ang mga serbisyo ng maraming dayuhang engineer. Maraming mahuhusay na propesyunal, gaya sa industriya ng information and communication technology (ICT), ang nagsisipagtrabaho sa malalaking kumpanya sa Amerika. Empleyado rin sa sektor ng konstruksiyon at agrikultura ang milyun-milyong immigrant para sa mga pana-panahong trabaho na tinatanggihan ng ng karamihan ng Amerikano.
“It is a basic principle that those seeking to enter a country ought to be able to support themselves financially,” sinabi ni Trump sa Kongreso, upang bigyang-diin ang bago niyang plano. Dapat na mapahintulutan nito ang libu-libong doktor, nurses, home health aide, engineer, researcher, at IT professional na tunay na kinakailangan sa iba’t ibang larangan ng ekonomiya at pamumuhay sa Amerika.
Patuloy na naninindigan si President Trump sa kanyang plano na isailalim sa matinding pagbusisi—mga imbestigasyong pang-seguridad—ang mga immigrant mula sa ilang bansa sa Gitnang Silangan na ang ilang mamamayan ay minsang nasangkot sa mga gawaing terorismo. Ngunit nagluwag siya sa mga migrante na ang mga serbisyo ay kinakailangan sa iba’t ibang sektor ng Amerika, bilang tugon na rin sa pressure mula sa hudikatura at bilang bahagi na rin ng kompromisong bipartisan.
Isa itong magandang balita para sa mga Pilipino, na karamihan ay nagtatrabaho sa Amerika, sa sektor ng pangangalagang pangkalusugan at sa iba pang larangan. Ang matinding vetting na isinusulong ni Trump ay marapat na makapigil sa sinumang may kaugnayan sa mga grupong jihadist sa Mindanao. Ngunit ang kanyang merit-based system ay dapat na makatulong sa ating mga propesyunal sa larangan ng health care, IT, at iba pang espesyalisasyon upang masumpungan ang oportunidad na hinahanap nila sa Amerika.