Ni Elena L. Aben

Hinimok ng International Commission of Jurists (ICJ) ang Philippine Congress na huwag ipasa ang death penalty bill, at sinabing ang pagtatangkang maibalik ang kasuklam-suklam na gawain ay tahasang paglabag sa pandaigdigang legal na obligasyon nito.

Ang apela ay nakasaad sa isang pahayag ng ICJ, na ibinahagi sa media ng opisina ng Liberal Party (LP) president na si Senator Francis Pangilinan kahapon.

Sa pahayag, kinondena ng ICJ ang pag-apruba sa second reading noong Marso 1 ng death penalty bill sa Mababang Kapulungan at nananawagan sa mga mambabatas upang aktibo itong kontrahin at huwag pahintulutang makapasa sa final reading.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Binigyang-diin ng ICJ na kapag isinabatas, kokontrahin ng Pilipinas ang legal nitong obligasyon sa ilalim ng international treaties na kinabibilangan nito, ang International Covenant on Civil and Political Rights (ICCPR) at ang second Optional Protocol na naglalayong buwagin ang death penalty.

Nagpahayag din ito ng pagkabahala sa “manner in which the bill was effectively railroaded through the Philippine House of Representatives this week when it passed on second reading House Bill 4727, which seeks to reintroduce the death penalty for drug-related crimes.”

“It is obvious that proponents of State killing as means of ‘justice’ were intent on rushing the passage of the death penalty bill by thwarting any substantial discussion thereon and by pressuring into silence those who oppose it,” sabi ni Emerlynne Gil, senior international legal adviser for Southeast Asia ng ICJ.

Ang HB 4727 ay pinal na pagbobotohan sa third reading sa susunod na linggo.