Nilinaw kahapon ni Presidential Peace Adviser Jesus Dureza na walang hinihinging kondisyon si Pangulong Rodrigo Duterte upang ipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan sa Pula.
Ito ay matapos ipahayag ni Duterte sa kanyang talumpati sa Cagayan de Oro na nais niya ng makatotohanang kapayapaan sa pagitan ng New People’s Army (NPA), palayain ang kanilang mga bihag, at pagtigil sa pangingikil bago ipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan.
Ayon kay Dureza, sinasabi lamang ng Pangulo ang kanyang kahilingan ngunit hindi umano ibig sabihin nito na humihingi siya ng kondisyon bago ipagpatuloy ang peace talks.
“Hindi iyan condition dahil ‘yung peace negotiations wala dapat conditionalities, eh. Walang preconditions sa negotiating table, ‘di ba,” aniya sa isang panayam sa radyo.
“Otherwise, lumalabas na parang dominante ‘yung isa, o ‘yung kabila, nagrerespond lamang dahil may mga condition,” dagdag niya.
Gayunman, sinabi ni Dureza na ang susunod nilang hakbang ay palaging nasa desisyon ng Pangulo.
“I heard the President say those words in Cagayan de Oro kaya tignan natin what would be the specific instructions to us,” sabi ni Dureza.
“Alam ng Pangulo na madaming challenges, kaya maraming factors din that will have to be considered,” dagdag niya. - Argyll Cyrus B. Geducos