“Kulang na nga nalagasan pa!”
Ganito ang naging sentimyento ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto sa pagpatay kay Dr. Dreyfuss Perlas, ang 30-anyos na volunteer doctor sa bayan ng Sapad sa Lanao del Norte, nitong gabi ng Marso 1.
Kabilang si Perlas sa ika-30 batch ng programang “Doctors to the Barrios” na inilunsad ng gobyerno, sa pamamagitan ng Department of Health (DoH), ilang dekada na ang nakalilipas.
Naglabas ng komento si Recto sa kainitan ng panawagan ng iba’t ibang sektor sa Lanao del Norte at Council for Heath and Development, na nagsabing ang pagkawala ni Perlas ay isang “big loss” sa mga komunidad na tinutulungan nito.
Sa taya ni Recto, isa sa tatlong bakanteng puwesto ng mga manggagamot ang napunan noong nakaraang taon, o 629 na volunteer doctor pa ang kailangan.
Noong 2015, 946 pa ang bakanteng puwesto matapos na 320 lamang ang na-recruit ng DoH sa kabila ng alok na P50,000 na buwanang sahod.
Kinondena rin ni Sen. Risa Hontiveros ang pamamaslang kay Perlas, na binaril sa likod habang sakay sa kanyang motorsiklo sa Bgy. Maranding Annex sa Kapatagan, Lanao del Norte, dakong 7:30 ng gabi nitong Miyerkules.
(Leonel M. Abasola)