NAGBUNGA ang matiyagang pagsasanay ng Arellano University para mapanatili ang titulo sa seniors division ng katatapos na NCAA Season 92 track and field championships nitong Biyernes sa Philsports Arena sa Pasig.

Humakot ng kabuuang 740 puntos ang Chiefs upang dominahin ang tatlong araw na kompetisyon na pinamahalaan ng Philippine Athletics Track and Field Association sa pakikipagtulungan ng event host San Sebastian College.

Dikit pa ang laban sa pagitan ng Chiefs at Mapua Cardinals tracksters may nalalabi pang apat na event, ngunit humataw ang Chiefs at nagtala ang 1-2-3-4 finish sa men’s 1500 meters sa pamumuno ni Joe Marie Jovelo at season MVP Immanuel Camino upang tuluyang umagwat sa puntos.

Kinumpleto nina Christian Traje at Norberto Cailao ang nasabing pagwalis ng Chiefs sa top 4 honor ng nasabing event.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

“Wala akong masabi, sobrang saya kasi ito yung bunga ng lahat ng aming mga sakripisyo,” pahayag ni bagong Chiefs coach at dating national sprinter Paulino Coloma Jr. na pumalit sa dating coach na si Giovani Andaya noong Nobyembre ng nakalipas na taon.

Ayon kay Coloma, bukod sa kanilang long distance runners na naging pundasyon ng kanilang back-to-back title, malaki rin ang naitulong at nai-ambag ng kanilang mga throwers.

Pumangalawa sa kanila ang Mapua na nakatipon ng kabuuang 537.5 puntos habang pumangatlo naman ang St. Benilde na may 407.5 puntos at pang-apat ang Jose Rizal University na may 334 puntos.

Sa juniors division, napanatili rin ng Emilio Aguinaldo College-Immaculate Conception ang kanilang titulo makarang magtala ng kabuuang 641.5 puntos kung saan inungusan nila ang San Beda na may natipong 578 puntos at ang San Sebastian College na may 469 puntos.

Pinangunahan ni Most Bemedalled Athlete, Most Record Broken na siya ring Season MVP na si Veruel Verdadero ang nasabing tagumpay ng Cavite-based tracksters.

Bukod sa pagiging meet’s fastest boy matapos magwagi sa lahat ng sprint events na 100 meter, 200 meters at 400 meters, nagtrangko rin si Verdadero sa kanilang 4 x 100 meter relay team na nagtala ng bagong meet receord at 4 x 400 meter bukod pa sa nauna niyang meet record sa 400 meters.

Napunta naman kay Perpetual Help hurdler Francis Medina ang parangal bilang most bemedalled at most record broken sa seniors division matapos nitong magtala ng record sa 400 meter hurdles at 110 meter hurdles maliban sa pagwawagi sa 4 x 400 meters at 400 meter run.

Samantala, naiuwi naman nina Coloma at Fernando Bagasbas ng EAC ang karangalan bilang Coaches of the Year sa seniors at juniors division,ayon sa pagkakasunod. - Marivic Awitan