Inihayag kahapon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na 10 miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) ang napatay sa pakikipagbakbakan sa militar sa Patikul, Sulu nitong Biyernes.

Sinabi pa ni Army Colonel Cirilito Sobejana, commander ng Joint Task Force Sulu, na kabilang sa mga nasawing terorista ang dalawang malapit na kaanak ng Abu Sayyaf leader na si Radullan Sahiron, habang maraming iba pang bandido ang nasugatan.

Nasa 18 sundalo naman ang nasugatan sa sagupaan, at walang isa man sa mga ito ang malubha.

Ginagamot ngayon ang mga sugatang sundalo sa Camp General Teodulfo Bautista sa Jolo.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ayon sa report ng Joint Task Force Sulu, nagsasagawa ng focused military operation ang tropa ng 32nd Infantry Battalion ng Philippine Army nang makasagupa ang nasa 150 bandido, na pinamumunuan nina Sahiron at Hatib Hajan Sawadjaan sa Sitio Kan Udong sa Barangay Taglibi, Patikul.

Umabot ng halos tatlong oras ang labanan, na nagsimula dakong 9:00 ng umaga nitong Biyernes.

Kasabay nito, tiniyak ni Sobejana na hindi tinatantanan ng Joint Task Force Sulu ang pagtugis sa mga bandido sa tulong ng “strike helicopters, artilleries and armor assets”. (FER TABOY at FRANCIS WAKEFIELD)