MALIBAN kung magkakaroon pa ng dagdag na pagsusog sa Senado, ang panukalang-batas sa muling pagpapatupad ng parusang kamatayan ay mistulang pinalabnaw ng Kamara. Ibig sabihin, mula sa halos 20 asunto na sinasabing dapat patawan ng death penalty, isang kaso lamang ang napagkasunduang itira ng mga Kongresista at ito ay yaon lang may kaugnayan sa illegal drugs.
Sa lawak at talamak na pamiminsala sa lipunan ng mga bawal na droga, naniniwala ako na dapat lamang hatulan ng death penalty ang mapapatunayang mga pusher, drug lord at manufacturer ng shabu lalo na kung ang kanilang operasyon ay may kaakibat na karumal-dumal na pagpaslang. Hanggang ngayon, tulad hindi humuhupa, at lalo pa yatang lumalaganap, ang pagkasugapa sa bawal na droga – isang insulto sa Duterte administration na talaga namang walang puknat sa pagpapaigting ng paglipol sa naturang kasumpa-sumpang bisyo.
Subalit hindi ito dahilan upang ipuwera ng mga mambabatas sa pagtibaying batas ang ibang nakakikilabot na krimen na dapat ding patawan ng death penalty, tulad ng panggagahasa na may kaakibat pang pagpatay. Hindi ba dapat bitayin ang gumahasa sa isang musmos, ang isang ama na yumurak sa kapurihan ng kanyang sariling anak?
Ang parusang kamatayan sa nabanggit na krimen ay matagal nang napatunayang epektibo. Hindi natin malilimutan, halimbawa, ang pagbitay, sa pamamagitan ng 2,500-bolt electric chair, sa mga akusado sa panggagahasa sa isang sikat na artista, maraming taon na ang nakararaan. Nagkataon na kabilang tayo, bilang isa pang police reporter noon, sa mga sumaksi sa kamatayan ng naturang mga rapist. Naging kapuna-puna mula noon na dumalang kundi man ganap na nawala ang mga kasong panggagahasa.
Hindi mahirap unawain kung bakit pati ang kasong plunder o pandarambong ay kinaligtaan ng mga mambabatas. Hindi ba ito ay dapat ding patawan ng death penalty sapagkat ito ay isang kasumpa-sumpang pagnanakaw ng salapi ng bayan? Ito kaya ay kinatatakutan ng mga mambabatas na hinihinalang may lihim pang hangaring mangulimbat ng salaping hindi nila pinagpaguran? Sinadya kaya nilang gaanan ang parusa sa pandarambong upang sa kalaunan ay makaiwas sa katiwaliang walang pangalawa sa kasamaan?
Dahil sa pinalabnaw na death penalty, naniniwala ako na maaaring magbago ng paninindigan ang iba pang mambabatas, lalo na ang mga senador, kapag ito ay isinalang na sa kanilang masusing pagbusisi. Siyempre, hindi natin maaasahang magbago ang pagtutol sa parusang kamatayan ang mga alagad ng simbahan at mga pro-life sectors.
Sa anu’t anuman, tila lumiliwanag na ang muling pagpapatupad ng pinalabnaw na death penalty. (Celo Lagmay)