SA kainitan ng kontrobersiya sa pagpapasara ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Gina Lopez sa 23 minahan at kanselasyon ng 75 mining permit, naghain ng mungkahi ang Chamber of Commerce of the Philippine Islands (CCPI), ang pinakamatandang organisasyon ng mga negosyo sa bansa, na marapat na pagtuunan ng atensiyon ng gobyerno.
Ang kontrobersiya kaugnay ng nasabing hakbangin ng DENR ay bunsod ng reklamo ng mga kumpanya ng minahan na pinagkaitan sila ng karapatan sa pagsailalim sa wastong proseso, at hindi sila binigyan ng pagkakataong iwasto ang mga paglabag, kung mayroon man, kaya ngayon ay malulugi ang pamumuhunan nila sa ginto, tanso, nickel, at iba pang mina na ginagawa na nila sa bansa.
Tinukoy ng gobyerno ang milyun-milyong piso na posibleng mawala sa kaban ng bayan bilang kabahagi ng pamahalaan sa kita ng pagluluwas ng ore, sa mga buwis na binabayaran ng mga kumpanya sa pambansa at lokal na pamahalaan, at sa pagkawala ng trabaho ng libu-libong manggagawa sa minahan.
Sa harap ng napakaraming pakinabang na ito ng ekonomiya, naninindigan si Secretary Lopez na ang mga ipinasara niyang minahan at mga kinansela niyang permit ay nag-o-operate sa mga watershed sa iba’t ibang dako ng bansa, na isang malinaw na paglabag sa batas, at sumisira sa kalikasan at sa kalusugan sa komunidad.
Ang kabuuan ng hindi pagkakasundo ay pinag-aaralan na ngayon ng inter-agency na Mining Industry Coordinating Council na tatangkaing balansehin ang katwiran ng lahat ng panig. Sisikapin nitong matukoy kung paanong ang mga benepisyo ng pagmimina sa ekonomiya, kabilang ang pagkakaloob ng pagkakakitaan sa maraming tao, ay mapananatili habang itinataguyod ang integridad at pangangalaga sa mga watershed sa bansa.
Inilatag ngayon ng Chamber of Commerce of the Philippine Islands ang isang punto na hindi naikonsidera sa gitna ng kontrobersiya — na dapat nang isulong ng bansa ang mas mataas na antas sa industriya ng pagmimina. Hindi dapat na basta lamang tayo magluwas ng bagong-mina na ore mula sa ating mga lupa; dapat na simulan na nating iproseso ang ore na ito sa sarili nating mga planta sa ating bansa.
Dapat na magluwas tayo ng iron, sa halip na iron ore; copper, nickel, at iba pang metal mula sa ore na iniluluwas natin sa ibang bansa nang bultu-bulto upang ang mga ito ang magproseso. Dapat na magdagdag tayo ng libu-libo pang empleyado sa 1.2 milyon na kasalukuyang nagmimina ng ore mula sa kailaliman ng lupa. Maituturing itong pagdadagdag ng halaga sa ating produkto, na magpapataas sa kinikita natin ngayon sa pagmimina.
Sinabi rin ng CCPI na mangangailangan ito ng pag-amyenda sa Mining Act of 1985. Anuman ang kailangang gawin, panahon nang ikonsidera ang pagpoproseso ng sarili nating mga materyales. Gaya ng napakaraming dayuhang kumpanya ang naghahangad sa oportunidad na magmina ng saganang mineral mula sa ating lupain, maraming iba pang kumpanya ang tatanggap sa pagkakataong maiproseso ang kaparehong mga materyales na ito para gawing metal exports na may mas mataas na halaga. Ang mga kumpanyang ito ang dapat na pagkalooban ng lisensiya ng gobyerno ng Pilipinas, ayon sa CCPI.