Naglabas ng wage order ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB)-6 na nag-aatas ng P25 dagdag sa arawang minimum wage ng mga manggagawa sa Western Visayas, kabilang ang Negros Occidental.
Ang umento ay resulta ng sunud-sunod na pampublikong konsultasyon at pagdinig na isinagawa ng board sa petisyon na inihain ng Philippine Agricultural, Commercial and Industrial Workers 'Union (PACIWU)-Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) Negros chapter sa Department of Labor and Employment (DoLE)-Region 6 noong Agosto 2016.
Kinumpirma ito ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) noong Pebrero 17 at ipatutupad sa Marso 16.
Nabatid na saklaw ng Wage Order No. 23 ang mga sumusuweldo ng minimum sa pribadong sektor sa anim na lalawigan ng rehiyon: Iloilo, Antique, Aklan, Capiz, Guimaras at Negros Occidental.
Sa commercial at industrial sector, ang mga nagtatrabaho sa kumpanyang may mahigit 10 empleyado ay tatanggap ng P25 dagdag-suweldo o P323.50 kada araw; habang ang mga kumpanyang may 10 manggagawa pababa ay may P15 umento, o P271.50 arawang sahod.
Para sa agrikultura, ang parehong manggagawa sa plantation at non-plantation ay may P15 dagdag sa suweldo, P281.50 sa mga nasa plantasyon at P271.50 sa mga non-plantation worker. (Mina Navarro)