Isang lalaki na hinihinalang biktima ng mistaken identity ang binaril at pinatay ng dalawang hindi pa nakikilalang armado sa Malabon City, nitong Huwebes.
Kinilala ni Sr. Supt. John Chua, hepe ng Malabon Police, ang biktima na si Rommel Bulado, 44, ng Barangay Concepcion, Malabon.
Ayon sa mga imbestigador, bandang 6:15 ng umaga, sakay si Bulado sa motorsiklo ng kanyang kapatid nang siya’y atakehin ng mga armadong lalaki sa kahabaan ng Gov. Pascual Street sa Bgy. Concepcion.
Base sa salaysay ni Dominador Cabigon, 68, saksi, dalawang armado na lulan din sa isang motorsiklo ang nagbabaril kay Bulado.
Isa sa mga suspek ang bumunot ng baril at makailang beses binaril ang biktima, ayon pa sa saksi. Namatay din si Bulado noong mga oras ding iyon.
Sa follow-up investigation, sinabi ni Chua na suspek sa droga ang kapatid ni Bulado. Aniya, posibleng napagkamalan si Bulado dahil gamit niya ang motorsiklo ng kanyang kapatid.
“We believe that the real target was Bulado’s brother. The brother of Bulado was a drug suspect here in Malabon,” ayon kay Chua. (Jel Santos at Orly L. Barcala)