DUBAI, United Arab Emirates (AP) — Naisalba ni Andy Murray ang pitong match point para magapi si Philipp Kohlschreiber, 6-7 (4), 7-6 (18), 6-1, at maka-abante sa semifinals ng Dubai Tennis Championships nitong Huwebes (Biyernes sa Manila).
Ang second-set tiebreaker — umabot sa 31 minuto at anim na segundo – ay nagdulot ng magkahalong kaba at kasiyahan sa magkabilang kampo at sa dumagsang tagahanga.
"I have never played a tiebreak that long ever," pahayag ni Murray.
"I'll probably never play another one like that again. I mean, I have been playing on the tour for 11, 12 years now, and nothing's been close to that,” aniya.
Ayon sa ATP, ang 20-18 tiebreaker ay ikaanim na kaganapan sa kasaysayan ng Tour mula noong 1991.
Ito ang unang torneo ni Murray mula nang masibak sa fourth round ng Australian Open nitong Enero.
Sunod na makakaharap ni Murray si Lucas Pouille ng France, nagwagi kontra Russian qualifier Evgeny Donskoy 6-4, 5-7, 7-6 (2).
Nasilat naman ni dating top-10 star Fernando Verdasco si fourth-seeded Gael Monfils, 6-3, 7-5.