Nasa balag na alanganin ang mga itiniwalag na miyembro ng Iglesia ni Cristo (INC) na sina Angel Manalo, Lottie Manalo-Hemedez at 24 iba pa dahil sa umano’y pag-iingat ng iba’t ibang kalibre ng baril sa pagsalakay ng awtoridad sa kanilang tinitirhan sa No. 36 Tandang Sora, Quezon City nitong Huwebes.
Ayon kay QCPD director Chief Supt. Guillermo Eleazar, magsasampa sila ng kaso laban sa mga ito dahil sa paglabag sa RA 10591 o Comprehensive law in Firearms and Ammunition Act.
Sa Quezon Police District (QCPD) headquarters nagpalipas ng gabi ang magkapatid na sina Angel at Lottie at 24 iba pa matapos silang damputin sa ikinasang raid nitong Huwebes.
Sina Angel at Lottie at iba pag itiniwalag na miyembro ng INC ay dinala sa District Public Safety Battalion (DPSB) office ng QCPD sa Camp Karingal upang imbestigahan sa umano’y mga armas na nakatago sa kanilang gusali.
Iimbestigahan din sila sa pamamaril sa dalawang pulis sa kasagsagan ng raid, ayon kay Eleazar.
Kapwa nagtamo ng bala sa katawan sina Police Officer 2 Henry Escular at PO3 Joner Adasan nang marinig ang ilang putok ng baril sa gitna ng operasyon.
Ayon pa sa hepe, nakakuha sila ng isang shotgun, M-16 rifle, carbines, rifle grenade, caliber .40 pistol at 104 bala ng iba’t ibang baril mula sa gusali.
Sa 32 residente na inimbitahan sa imbestigasyon, tatlong katulong at dalawang lalaking menor de edad ang naabsuwelto sa kaso.
Habang sasampahan naman ng kaso ang 16 na lalaki at 10 babae—kabilang na ang magkapatid na Manalo— na mananatili sa kustodiya ng pulisya hanggang maipadala ang commitment order. (Vanne Elaine P. Terrazola)