Hinamon ng Philippine National Police (PNP) ang grupong Human Rights Watch (HRW) na maglabas ng ebidensiya sa ibinibintang nitong sangkot ang pulisya sa extrajudicial killings sa bansa.

Ito ang paghamon kahapon ni PNP Spokesman Senior Supt. Dionardo Carlos makaraang sabihin ng HRW sa report nito na pineke ng PNP ang mga ebidensiya upang palabasing lehitimo ang sunud-sunod na pagpatay sa “war on drugs”, na kumitil na sa halos 8,000 buhay.

Sa report nitong “License to Kill” na inilabas nitong Miyerkules, sinabi ng HRW na may 24 na kaso ng pagpatay na kinasasangkutan ng mga pulis simula noong Oktubre 2016.

Nakasaad din sa report na hinimok ni Pangulong Duterte at ng iba pang matataas na opisyal ng gobyerno ang pagpatay, sa karamihan ay mahihirap, na maituturing na crimes against humanity.

National

Ex-Pres. Duterte, magsasampa raw ng libel case laban kay Trillanes

Hinikayat din ng grupo ang United Nations na bumuo ng isang independent at international investigation sa mga pagpatay upang matukoy kung sino ang responsable sa mga ito at tiyaking mapapanagot ang may sala.

“Our investigations into the Philippine ‘drug war’ found that police routinely kill drug suspects in cold blood and then cover up their crime by planting drugs and guns at the scene,” sabi ni Peter Bouckaert, emergencies director ng HRW at nagsulat ng report. “President Duterte’s role in these killings makes him ultimately responsible for the deaths of thousands.”

Kasabay nito, kinondena ng International Narcotics Control Board ang EJK na “purportedly taken in pursuit of drug control objectives” sa mga bansang gaya ng Pilipinas at tinawag ang mga pagpatay na “serious violation of human rights” at “affront to the most basic standards of human dignity”. (Francis T. Wakefield at Roy C. Mabasa)