BAHAGYANG tumaas ang bilang ng mga turistang dumagsa sa isla ng Boracay sa Malay, Aklan sa unang dalawang buwan ng taon kumpara sa parehong panahon noong 2016.
Batay sa record ng Malay Tourism Office, dumagsa sa Boracay ang kabuuang 174,183 bisita nitong Pebrero, mas mataas kaysa 173,256 na naitala sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.
Naitala rin ng tourism office ang kabuuang 169,843 arrivals noong Enero, pitong porsiyentong mas mataas kumpara sa 158,701 naitala sa parehong buwan noong 2016.
Inihayag ni Felix delos Santos, chief operation officer ng pamahalaang bayan ng Malay, na ang pagdami ng bisita sa isla ay bunsod ng mga idinaos na international event dito, kabilang ang dalawang pagpupulong ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) nitong Pebrero 13-15 at Pebrero 19-21.
Sinabi ni Delos Santos na bukod sa mga dumalo sa pagpupulong, naging punong abala rin ang isla sa mga pamilya at empleyado ng mga delegado sa 10 bansang bumubuo sa ASEAN.
Bukod sa mga pagpupulong ng ASEAN, nagkaroon din ng kontribusyon sa pagdami ng tourist arrivals ang pagdiriwang ng Chinese New Year, ang Philippine Kiteboarding Tour at ang pagdaong ng mga cruise ship sa isla.
Samantala, positibo ang tanggapan ng turismo na makatutupad sila sa target na dalawang milyong tourist arrivals ngayong taon.
Binanggit ni Delos Santos na ang taunang Laboracay, ang inaabangang Labor Day event sa isla, ay inaasahang maghahatid uli ng maraming bisita sa isla.
Marami ring international sporting events ang idaraos sa isla sa mga susunod na buwan, kabilang dito ang Boracay International Beach Volley Competition sa Abril, ang International Dragon Boat Competition sa Mayo, at ang Boracay International Fun Board Cup sa Oktubre. (PNA)