Inihayag kahapon ng Department of Education (DepEd) na sasailalim sa random drug testing ang mga estudyante sa high school, mga guro sa mga paaralang elementarya at sekundarya, at lahat ng opisyal at kawani sa central, regional, at school division offices ng kagawaran bilang suporta sa kampanya ng gobyerno kontra droga.

Ngunit bago ito, sinabi ni Education Secretary Leonor Briones na kailangan munang sumailalim ang mga empleyado ng DepEd sa orientation-seminar tungkol sa iba’t ibang aspeto ng drug testing.

Sinabi ni Briones na ito ay upang ihanda ang mga kawani sa aktuwal na drug testing sa mga piling estudyante, guro at empleyado, isasagawa ng DepEd ang orientation-training sa drug testing program simula ngayong Marso hanggang Abril.

Isasagawa ng DepEd ang orientation-training sa anim na cluster sa Angeles City (para sa Regions 2 at 3); Maynila (para sa Regions 4-A, 4-B, 5, at 8); Cebu City (para sa Regions 6 at 7); Davao City (para sa Regions 9, 11, 12 at ARMM); Cagayan de Oro City (para sa Region 10 at Caraga); at Baguio City (para sa Region I at Cordillera).

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Ayon sa DepEd, ituturo sa orientation-training ang tungkol sa aspetong legal at regulatory ng drug testing, ang pagkolekta ng specimen at pagsusuri rito, at paunang assessment at intervention sa mga estudyanteng magpopositibo sa paggamit ng droga, at pagsasanay sa dokumentasyon at recording ng proseso ng drug testing.

Makikibahagi sa aktibidad, ayon sa DepEd, ang dalawang participant mula sa bawat regional office (health coordinator, at regional director o authorized representative); anim mula sa Schools Division office (school division superintendent, medical officer, guidance counselor, dalawang nurse, at principal); 10 facilitator/resource person, at anim na secretariat personnel ng Central Office. (MERLINA HERNANDO-MALIPOT)