ITINIGIL o sinuspinde ng Philippine National Police (PNP), isang buwan na ang nakalilipas, ang giyera kontra droga ni Pangulong Rodrigo Duterte. Ito ay sinumulan nang manungkulan si Pangulong Duterte noong Hulyo 1, 2016.
Ang giyera kontra droga ay tinawag na “Oplan Tokhang” na sa PNP naman ay kilala sa tawag na “Oplan Double Barrel”.
Ngunit ito ay nagamit sa katarantaduhan ng ilang tiwaling pulis na binansagang “Tokhang for Ransom”. Ang pagdukot sa mga hihinalang drug suspect at saka hihingan ng ransom ang mga kamag-anak ng biktima.
Ngunit natisod ang katarantaduhan nang mabunyag ang pagpatay sa isang negosyanteng Koreano sa Angeles, Pampanga.
Dinukot at pinatay kahit nagbigay na ng ransom na P5 milyon ang misis ng biktima. At ang nakapangingilabot ay sa loob pa ito ng Camp Aguinaldo pinatay. Ipina-cremate ang bangkay at ang mga abo ay pinalulon sa toilet bowl.
Sa nasabing pangyayari, napahiya ang administrasyong Duterte. Humingi ng paumanhin sa pamilya at sa gobyerno ng South Korea. Inalis sa PNP ang operation at inilipat ang giyera kontra droga sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Ang giyera kontra droga ni Pangulong Duterte ay umani ng mga puna mula sa iba’t ibang human rights advocate, hindi lamang sa iniibig nating Pilipinas kundi maging sa ibang bansa, Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) at iba pang nagpapahalaga sa buhay ng tao at mga kontra sa extrajudicial killings. Bahagi naman ng kasagutan sa mga pumupuna sa giyera kontra droga ay ang pagmumura ni Pangulong Duterte. Sa inilunsad na giyera, umaabot na sa 7,600 ang napatay na hinihinalang sangkot sa droga. Mabibilang sa daliri ang naitumbang drug lord.
Sa pagtigil ng giyera kontra droga, nagsulputang muli na parang mga kabute at namayagpag ang mga drug user at pusher. Ngunit araw-araw ay may naitutumbang mga pinaghihinalaang sangkot sa droga sa Metro Manila at maging sa iba’t ibang bayan sa mga lalawigan.
Dahil sa nasabing pangyayari, nais ni Pangulong Duterte na ibalik sa PNP ang giyera kontra droga. Kulang sa tauhan ang PDEA.
Sa talumpati ni Pangulong Duterte sa mga lalawigan na siya ang panauhin, binabanggit niya na hanggat siya ang pangulo ng bansa ay hindi niya ititigil ang kanyang giyera kontra droga.
Ayon naman kay PNP chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa, sa balik-giyerera kontra droga ay magiging iba na ang sistema ng PNP. Magkakaroon na ng mahigpit na pagsasala sa mga opisyal at mga tauhan ng PNP na lalahok sa giyera.
(Clemen Bautista)