Tatlong katao, kabilang ang dalawang bata, ang nasugatan makaraang pasabugan ng granada sa Cotabato City, kahapon ng madaling araw.
Batay sa police report, nangyari ang pagsabog bandang 1:20 ng umaga sa Panda Apartment ng Santos Street sa Barangay Rosary Heights 6, Cotabato City.
Ayon kay Senior Supt. Victor Valencia, director ng Cotabato City Police Office (CCPO), hinagisan ng granada ng hindi nakilalang suspek ang nasabing apartment habang nahihimbing ang mga residente.
Tiniyak naman ng mga doktor na ligtas na ang tatlong biktima, na nagtamo ng mga sugat matapos tamaan ng mga bubog mula sa nabasag na mga salamin.
Hindi muna kinilala ang mga biktima habang isinasagawa ng pulisya ang imbestigasyon sa insidente. (Fer Taboy)