CABANATUAN CITY – Binuksan ng Bureau of Fire Protection (BFP)-Region 3 ang tanggapan nito para sa mga aplikante na pupunan ang pangangailangan sa 190 bagong Fire Officer 1 sa Central Luzon.
Ayon kay Fire Chief Supt. Aloveel Ferrer, bukas ang recruitment sa lahat ng Filipino citizen, edad 21-30, bachelor's degree holder, board passer o may 2nd level eligibility, at may taas na 1.47 metro kung babae, at 1.67 metro kung lalaki.
Ang mga interesado ay kailangang magsumite ng handwritten personal data sheet (PDS), CSC Form 212, dalawang passport size na litratong may name tag, photocopy ng PRC License ID, certificate of eligibility, transcript of records, kopya ng birth certificate at mga clearance.
Sa mga babaeng aplikante na may-asawa, magsumite ng authenticated marriage certificate, driver’s license, at Technical Education and Skills Development Authority certificate for driving.
Ilagay sa folder ang lahat ng requirements at isumite sa Administrative Division ng BFP Regional Headquarters sa Del Pilar, City of San Fernando, Pampanga bago sumapit ang Marso 31, 2017. (Light A. Nolasco)