WALANG isang partido, ideolohiya, relihiyon o indibiduwal ang makaaangkin ng kredito sa nangyaring hindi madugong digmaan sa Edsa. Wala ring isang partido, ideolohiya, relihiyon o indibiduwal na may monopoliya sa pagmamahal sa bayan. Ito ang bahagi ng mensahe ni Pangulong Digong sa anibersaryo ng People Power sa Edsa na binasa ni Executive Secretary Salvador Medialdea na ginanap sa Camp Aguinaldo. Tama ang Pangulo na ang rebolusyon sa Edsa ay pagpapakita ng taumbayan ng kanilang pagkakaisa at pag-ibig sa bayan.

Pero, ang talagang nangyari ay naging mapayapa na lang ang pagpapatalsik sa diktaduryang Marcos nang iisa nang kumilos ang taumbayan. Kasi, bago ito, mahabang pakikipaglaban ang ginawa ng mamamayan. Totoo, na ang tagumpay ng rebolusyon ay hindi lang dahil sa isang partido, ideolohiya, relihiyon o sino mang tao. Sa naging mahabang pakilos ng mamamayan para tibagin ang matibay na moog ng diktadurya, marami ang nagbuwis ng buhay.

Nagbuhat sila sa hanay ng magsasaka, manggagawa, mag-aaral, propesyunal at dukha sa kalunsuran at kanayunan. Kaya, sa panahong naging mabangis na ang diktadurya at ipinagtatanggol na niya ang kanyang sarili sa mamamayan upang manatili siya sa kapangyarihan, higit na naging madugo ang labanan. Bumaha ng dugo at luha ang ating bansa. Dito tumindi ang pag-ibig ng mga Pilipino sa isa’t isa at sa kanilang bansa. Ang pinagdaanan nilang kahirapan at kaapihan sa kamay ng mapaniil na diktadurya ay siyang naghinang ng kanilang pagkakaisa.

Kaya kung naniniwala si Pangulong Digong sa kanyang tinuran na ang rebolusyon sa Edsa ay pagpapakita ng taumbayan ng kanilang pagkakaisa at pag-ibig sa bayan, dapat ay ipinagdiwang niya ito ng buong kagalakan. Pinalawak niya ang partisipasyon ng sambayanan lalo na iyong mga pangkaraniwang mamamayan. Paano niya magagawa ito eh, inipit niya sa Camp Aguinaldo ang pagdiriwang na napakasikip kung ihahambing sa kahabaan ng Edsa. Isa pa, hindi lugar ang kampo na dinarayo ng kahit sino.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Higit sa lahat, sa talagang kaarawan ng Edsa, gumawa ang Pangulo ng kanyang sariling grupo na nag-ipon sa Luneta. Marami ang dumalo dahil may Memorandum ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa mga Local Government Units (LGU) na suportahan ang pagtitipon. Kaya, sa mga opisyal ng LGU na nais magpalakas sa administrasyon ginamit ang mga sasakyan at ambulansiya na may pangalan ng mga LGU na pinanghakot sa mga dumalo upang makita na sumunod sila sa memo ng DILG. Hinati ni Pangulong Digong ang mamamayan sa panahon na dapat magkakasama sila sa pagdiriwang ng napakahalagang okasyon sa kanilang buhay. Marami ang nagtungo sa pagtitipon ng Pangulo, pero sa simula lang iyan tulad ng nangyari sa unang bahagi ng martial law ni Pangulong Marcos. (Ric Valmonte)