NAITALA ng magpinsan na Vic at Froilan Saludar ang impresibong panalo nitong Miyerkules sa Brgy. Bulua Covered Court sa Cagayan de Oro City.
Naiganti ni “Vicious” Vic ang masaklap na kabiguan kay Powell Balaba may apat na taon na ang nakalilipas via six-round unanimous decision.
Pinagbagsak ni Saludar si Balaba nang dalawang ulit tungo sa ikatlong sunod na panalo mula nang mabitiwan ang WBO title kay Kosei tanaka ng Japan. Tangan niya ang markang 14-2, tampok ang siyam na knockout.
Magaan din ang panalo ni Froilan “The Sniper” kay Roque Lauro tungo sa impresibong first round TKO.
Lupasay kay Froilan ang kalaban sa unang minuto pa lamang ng laban bago tuluyang nakatulog may isang minuto at 25 segundo ang nalalabi sa first round.
Hawak ni Froilan ang markang 24-2-1,kabilang ang 15 KO’s. Nagbalik siya matapos mabigo kay Takuma Inoue ng Japan nitong Setyembre. Kapwa tangan ng Saludars ang WBO regional title.
Sa fight card na pinangasiwaan ni promoter Kenneth Rontal, nagwagi nina ang sumisikat na si Vince Paras kontra Michael Camelion, gayundin si Garen Diagan kay Jake Amparo.