Labis-labis ang pagdadalamhati ng pamilya ng isang lalaki na ilang araw umanong nawala nang masilayan ang bangkay nito sa nakatambak na basura sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang biktima na si Jonathan Valles, 28, ng No. 288 Sitio 6, Barangay Catmon ng nasabing lungsod.
Ayon kay Police Sr. Supt. John Chua, hepe ng Malabon Police, halos maagnas na ang katawan ng biktima na may tama ng baril sa katawan.
Base sa imbestigasyon, pinamunuan ni SPO1 Rolando Hernado, bandang 1:00 ng madaling araw nasilayan ang bangkay sa likod ng Unican Compound, Teachers Village, Barangay Catmon, Malabon City.
Positibong kinilala ni Marivic Damaso, 27, kinakasama ni Valles, ang biktima na ayon sa kanya ay ilang araw nang nawawala.
Patuloy ang imbestigasyon sa pangyayari. (Orly L. Barcala)