SYLVIA copy copy

SA unang pagkakataon ay pinarangalan ng Best Performance by an Actress si Sylvia Sanchez para sa kanyang napakahirap na papel sa The Greatest Love bilang si Mama Gloria.

Pawang Best Supporting Actress ang maraming awards na natatanggap ni Sylvia kaya tuwang-tuwa siya at labis na nagpasalamat sa ipinagkaloob sa kanya ng GEMS (Guild of Educators, Mentors, and Students) sa awarding rites sa Laguna Bel-Air Science School sa Sta. Rosa, Laguna nitong nakaraang Miyerkules na dinaluhan ng mga kilalang personalidad sa telebisyon, radyo, teatro, at pahayagan.

Nabanggit ni Ibyang sa kanyang acceptance speech na simula edad 27 ay parating nanay role ang ibinibigay sa kanya at naging lola na rin sa Be Careful With My Heart at Ningning.

ICC, naghahanap ng Tagalog at Cebuano transcriber

Lagi raw niyang itinatanong sa sarili kung bakit parating nanay ang papel niya, hindi ba puwedeng iba naman? Ngayon lang niya napagtanto na may plano pala sa kanya ang Diyos, “Dahil sinasanay pala niya akong maging nanay dahil ibibigay pala niya ang The Greatest Love na isa akong nanay na maysakit na Alzheimer’s disease,” kuwento ni Ibyang.

“Nu’ng unang i-offer sa akin ni Ms. Ginny (Ocampo, business unit head) ang papel, tinanong ko kung ‘kaya ko ba?’ Kasi mabigat ‘yung role na may Alzheimer’s disease kasi for 27 years (sa showbiz), puro supporting role lang ang ginagampanan ko, pero nu’ng nabasa ko ang script ay nagustuhan ko at na-in love kaagad ako kay Gloria at hindi po ako nagkamali at ito po ang patunay,” sabay taas ng kanyang trophy.

Pamilya ang inspirasyon ni Sylvia kaya sila ang pinasalamatan niya kasama ang mga taong nagtiwala sa kakayahan niya lalo na ang GMO unit at ang ABS-CBN management. Pinasalamatan din niya ang mga sumusuporta kina Arjo at Ria Atayde na parehong may programa sa primetime, Ang Probinsyano at My Dear Heart respectively. At siyempre, ang mga kaibigan na simula nang pumasok siya sa showbiz hanggang ngayon ay hindi siya iniiwanan.

“Sinasabi ko parati sa mga anak ko na sa mga blessings na natatanggap ko ay walang reason para lumaki ang ulo at magbago, pero maraming reasons para mas maging mabuting tao,” huling pananalita ni Ibyang.

Pagkababa ng entablado ay agad siyang nilapitan ng dating aktor na si Dan Fernandez na mayor ngayon ng Sta. Rosa, Laguna. (Reggee Bonoan)