NANATILING magkaibigan ang dating mag-asawang sina Brad Pitt at Jennifer Aniston.
Ibinahagi ng isang source na malapit kay Pitt sa People na nagkakapalitan ng text messages ang dalawa kamakailan at patuloy ang komunikasyon sa isa’t isa ngayong hiwalay na ang una kay Angelina Jolie. “They have been friends for a while and often text,” saad ng source.
Nagdiborsiyo sina Pitt at Aniston noong 2005 pagkatapos ng limang taong pagsasama bilang mag-asawa, ngunit wala namang ibang kahulugan ang kanilang pag-uusap kamakailan – magkaibigan lang ang dalawa na nagkukumustuhan tungkol sa buhay ng isa’t isa. “This is nothing new, he didn’t have to jump through hoops to get Jennifer’s number,” dagdag ng source.
May nagaganap na custody negotiation kina Pitt at Jolie simula nang magsampa ng diborsiyo ang huli noong Setyembre 2016. Humantong sa korte ang dalawa para magkaroon ng custody agreement sa kanilang anim na anak na sina Maddox 15; Pax, 13; Zahara, 12; Shiloh, 10; at ang kambal na sina Knox at Vivienne, 8. Naghiwalay sina Pitt at Jolie pagkatapos ng dalawang taong pagsasama bilang mag-asawa at halos isang dekadang pagsasama.
Nagdiwang si Aniston kamakailan ng ika-48 kaarawan sa Mexico kasama ang kanyang asawa na si Justin Theroux. Naging magkarelasyon ang mag-asawa noong 2011 at ikinasal sa isang pribadong seremonya noong Agosto 2015. Kamakailan, magkasamang dumalo ang dalawa sa Oscars, nang iprisinta ni Aniston ang In Memoriam segment ng palabas. (People.com)