NAGPARAMDAM ang reigning champion Arellano University ng kanilang seryosong title retention bid matapos pangunahan ang pagkolekta ng puntos sa ikalawa at penultimate day ng NCAA Season 92 Track and Field Championships kahapon sa Philsports Complex oval.
May natipong 413 puntos ang Chiefs ni coach Giovani Andaya kasabay ng pagwawagi ni Joe Marie Jovelo na nagtala ng tiyempong 1:55.10 ng kanilang unang gold medal sa 800 meter, 68 puntos ang agwat sa pumapangalawang Mapua na may 345 puntos.
Nasa ikatlong puwesto naman ang St.Benilde na may 286.5 puntos, pang-apat ang Jose Rizal University na may 191.5 puntos at panglima ang Perpetual na may 159 puntos.
Sa junior division, simula pa lamang ay nagpakita na ng determinasyong mapanatili ang titulo ng Emilio Aguinaldo College-ICA makaraang magsalansan ng 376 puntos at dagdagan ang naunang gold medal sa juniors discuss throw ng dalawa pang gold at isang silver medal sa 400 meters at 800 meters, ayon sa pagkakasunod. (Marivic Awitan)