Sa kabila ng kanyang mga pag-aalinlangan, nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Paris Agreement on Climate Change Instrument of Accession nitong Martes ng gabi.

Ang Instrument of Accession ay ang dokumentong nagpapahayag na pinagtitibay ng Pilipinas ang nasabing kasunduan.

“I just hope that the nations that are controlling the interests there, including the money that they will contribute to the common fund — which I think we are not qualified to be in there — ayusin lang nila because ‘pag hindi, magwi-withdraw ako. I’ll be the first one,” pahayag ng Pangulo matapos lagdaan ang dokumento.

Iniulat na ilang beses na nakipagpulong ang Pangulo kay Senador Loren Legarda, sa United Nations Global Champion for Resilience, at sa Climate Change Commission bago siya makumbinsing lagdaan ang dokumento.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Sinabi ni Legarda na isusulong niya ang dokumento para aprubahan ng Senado, ang huling hakbang sa ratification process upang ang kasunduan ay maging isang ganap na treaty.

Ang Paris Agreement ay kasunduang nakapaloob sa United Nations Framework Convention on Climate Change (UNFCCC).

Tinutugunan nito ang pagbawas sa emission ng mga greenhouse gas, adaptation at pagpopondo simula sa taong 2020.

Mayroon nang 194 na bansang lumagda dito.

Nagpahayag noon si Duterte ng pagdududa sa treaty dahil sa hinihingi nitong $5 bilyong pondo ngunit wala namang parusang ipapataw sa mga lalabag dito. Sa kabila nito, sinabi ng Pangulo na lalagdaan niya ang Paris Agreement dahil sa unanimous vote ng Gabinete. (Beth Camia at Argyll Cyrus B. Geducos)