ISINUSULONG ng United Nations Industrial Development Organization na gayahin ng ibang mga lugar sa bansa ang makabagong programa ng South Cotabato na cluster sanitary landfill (SLF).

Inihayag ni Mae Joy Emboltorio, environment management specialist ng Municipal Environment and Natural Resources Office sa bayan ng Surallah, na pinuri ng ahensiya ang cluster SLF ng probinsiya at sinabing maaari rin tong gawin ng ibang pang mga lokal na pamahalaan.

Sinabi ni Emboltorio na bumisita ang delegasyon mula sa tanggapan ng United Nations Industrial Development Organization sa Maynila at ang multinational engineering firm na AECOM sa SLF site noong nakaraang linggo sa Barangay Colongulo sa Surallah para makita nang personal ang operasyon.

Pinangunahan ang grupo nina United Nations Industrial Development Organization National Project Manager Haidie Piniero at AECOM environmental consultants Roes Elvin Sy Tanco at Mercibel Pecideras.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ibinahagi ni Emboltorio na naranasan ng delegasyon kung paano isinasagawa ang SLF ng lokal na pamahalaan ng Surallah.

“They personally saw that after the dumping of the residual wastes, top soil is immediately used to cover them,” aniya sa isang pahayag.

Dagdag pa niya, namangha ang delegasyon sa konsepto ng SLF cluster, sa low-cost design at operasyon nito.

Napili ang anim na ektaryang cluster SLF ng Galing Pook Foundation noong 2014 bilang isa sa 10 makabagong inisyatibo na pinagunahan ng lokal na pamahalaan sa buong bansa.

Pinagsisilbihan ng SLF, na nagbukas noong Hunyo 2013, ang Koronadal City at pito pang munisipalidad ng probinsiya.

Inilunsad ang proyekto noong huling bahagi ng 2008 makaraang lumagda ang anim na lokal na pamahalaan ng probinsiya sa memorandum of agreement para sa pagtatayo ng SLF sa pagtalima sa mga probisiyon ng Republic Act 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act.

Gumastos ang pamahalaang panglalawigan ng South Cotabato at mga pamahalaang bayan ng Surallah ng halos P14 milyon para sa pagtatayo at development nito. (PNA)