MAY natatanging bahagi ang mga jeepney sa ating kasaysayan bilang bansa. Nang magtungo rito ang mapagpalayang puwersa ng Amerika noong 1945, namayagpag na ang mga jeep sa mga lansangan ng bansa mula sa dating kalesa na hila ng kabayo.
Sa una ay binago ang disenyo nito upang makapagsakay ng anim na pasahero sa dalawang hilera sa likod. Ang hilerang may tatlong upuan ay unti-unting humaba sa mga sumunod na taon—mula sa dating lima, naging sampu at ngayon ay maaaring makaupo ang hanggang 20 sa isang hilera—kaya naman ang malalaking jeepney sa ngayon ay nakapagsasakay ng hanggang 42 pasahero, gaya ng mga bus.
Gayunman, napanatili ang hugis ng jeepney. Gayundin ang mga karaniwang palamuti ng jeep na nakilala sa buong mundo bilang pangmasang sasakyan ng mga ordinaryong tao sa Metro Manila. Nadedekorasyunan ito ng mga painting ng mga tanawin sa Pilipinas sa magkabilang gilid, na pinalamutian ng mga torotot, salamin, iba’t ibang burloloy at ang hindi maiiwasang palamuti sa harapan, isang kabayo na sumisimbolo sa orihinal na “hari ng kalsada”, ang mga kalesang hila ng kabayo.
Naninindigan ngayon ang jeepney upang manatili sa lansangan. Itinuturing ito ng marami bilang isa nang institusyon ng nakalipas na dapat na ngayong palitan ng mas modernong paraan ng transportasyon. Mayroon na tayong mga higanteng bus at mga elevated train at mga taxi na magbibigay ng transportasyon sa masa. Ngunit saan mang dako ng bansa sa ngayon ay makakasumpong tayo ng mga jeepney.
Ang problema, karamihan sa mga jeep ay luma na, may lumang makina at kakarag-karag na kaha. Marami ang bumibiyahe sa gabi nang walang ilaw; walang isa man sa mga ito ang may de-sinding ilaw. Kaya kailangang magdoble-ingat ng mga kapwa motorista kapag umaandar kaagapay sila. Kadalasan din silang tumatabi sa gilid ng bangketa para sa mga naghihintay na pasahero. Tumitigil at umaandar sila sa dikta ng pasahero at dahil mag-isa lang ang driver, siya na rin ang umaaktong konduktor. Ang lahat ng ito ay nagdudulot ng problema para sa mga traffic enforcer.
Ang tigil-pasada ng mga jeepney nitong Lunes ay bilang protesta sa hakbangin ng gobyerno na huwag nang payagang mamasada ang mga jeep na 15 taon pataas. Pinakilos ng gobyerno ang iba pang paraan ng transportasyon, kabilang ang mga dump truck, upang isakay ang mga pasahero, ngunit marami pa ring tao ang stranded sa mga lansangan sa Metro Manila at sa iba pang mga siyudad at bayan sa bansa.
Ang tigil-pasada ng mga jeepney ay malinaw na paghingi ng saklolo ng mga tsuper na mawawalan ng kabuhayan sakaling hindi na payagang mamasada ang mga lumang jeep. Dapat na maglunsad ng isang espesyal na programa para sa tinatayang 400,000 jeepney driver sa Metro Manila at sa daan-daang libong iba pa sa ibang bahagi ng bansa.
Tinugunan na ng mga programa ng administrasyong Duterte ang problema sa maraming larangan na hindi napagtuunan ng mga nakalipas na administrasyon. Dapat nitong tutukan ang plano para sa mga jeepney at mga tsuper nito, para sa isang programang abot-kaya ni Manong Driver.