Naging madugo ang pagkamatay ng isang lalaki matapos barilin ng riding-in-tandem na sinasabing nangholdap sa kanya sa Binondo, Maynila, kahapon ng umaga.

Isang tama ng bala sa kaliwang tenga ang ikinasawi ni Jovito Ferido, 55, family driver, residente ng 161 Elison Ville Subdivision, Corregidor Street, sa General Trias, Cavite City.

Mabilis namang tumakas ang dalawang ‘di pa nakikilalang suspek, kapwa nakasuot ng helmet, sakay sa motorsiklong hindi naplakahan.

Sa imbestigasiyon ni SPO2 Jonathan Bautista, imbestigador ng Manila Police District (MPD)- Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dakong 8:27 ng umaga sakay ang biktima sa kanyang motorsiklo na may plakang DA-81879, at nakahinto sa traffic light sa lugar nang bigla itong dikitan ng mga suspek.

National

ALAMIN: Mga paunang lunas para sa sugat na dulot ng paputok

Makalipas ang ilang minuto, gamit ang isang cal .45, bigla na lang umanong binaril ng mga suspek ang biktima at humarurot palayo.

Ayon sa ilang saksi, posibleng holdap ang motibo sa pagpatay dahil hinablot umano ng mga suspek ang kuwintas ng biktima bago tumakas.

Patuloy ang imbestigasyon sa pangyayari. (Mary Ann Santiago)