Tila muling umiinit ang tensiyon sa pagitan ng mga miyembro ng Iglesia ni Cristo (INC) matapos umanong paputukan ng mga armado ang dalawang guwardiya sa loob ng pinag-aagawang compound sa No. 36, Tandang Sora, Quezon City nitong Lunes, sinabi kahapon ng pulis.
Base sa ulat ng Quezon City Police District’s Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), pinagbabaril ng ilang hindi pa nakikilalang armado ang mga guwardiyang sina Ardine Marcoso, 25; at Jervie Rejano, 24, dakong 2:45 ng hapon nitong Lunes.
Ayon sa pulis, nagtamo ng sugat sa braso si Marcos, habang maayos naman ang lagay ni Rejano.
Ayon sa mga kapwa nila guwardiya na sina Robertben Calderon at Frederick Domingo, nasa kani-kanilang duty ang mga biktima sa loob ng nasabing compound nang mangyari ang pamamaril.
Dito na nagtago ang mga guwardiya at ipinaalam sa pulisya ang insidente.
Ayon sa pulis, nagkabutas-butas ang paligid ng pinangyarihan ngunit wala silang nakuhang bala na maaaring makatulong sa imbestigasyon.
Gayunman, ayon sa mga saksi, nagmula ang mga bala ng baril mula sa gusali kung saan nakatira ang itiniwalag na mga miyembro ng INC na sina Felix “Angel” Manalo at Lolita “Lottie” Manalo-Hemedez.
Ang nasabing gusali ay 15 metro lamang ang layo mula sa kinaroroonan ng mga biktima, ayon sa imbestigador.
Nananatiling nakatira sa compound ang magkapatid na Manalo sa kabila ng kanilang pagkakatiwalag INC, sinabing pag-aari nila ang nasabing bahay sa loob ng compound. (Vanne Elaine P. Terrazola)