CABANATUAN CITY - Tatlong pampublikong paaralan ang magkakasunod na nilooban ng mga hindi pa kilalang suspek sa magkakahiwalay na lugar sa Nueva Ecija, nitong Martes.
Batay sa mga ulat na nakarating sa tanggapan ni Senior Supt. Antonio C. Yarra, Nueva Ecija Police Provincial Office director, nilooban ang San Ricardo National High School, San Ricardo Elementary School at Mabini Homesite Integrated School.
Dakong 6:00 ng umaga nang matuklasan ang panloloob sa San Ricardo National High School at natangay dito ang mahahalagang gamit na nagkakahalaga ng P127,000.
Nasa P50,000 naman ang mga halaga ng gamit na nanakaw sa San Ricardo Elementary School at P700 cash naman ang natangay sa Mabini Homesite Integrated School sa Cabanatuan City. (Light A. Nolasco)