Isinalang sa inquests proceedings sa Department of Justice (DoJ) ang dalawang pulis-Maynila na inirereklamo sa pangongotong.
Unlawful arrest na paglabag sa ilalim ng Article 269 ng Revised Penal Code ang isinampang kaso laban kina PO1 Mark Jonald Jose at PO1 Glenn Anthony Radovan na kapwa nakatalaga sa Manila Police District (MPD)-Station 5.
Sa reklamo ng Philippine National Police-Counter Intelligence Task Force (PNP-CITF), na pirmado ni Senior Supt. Johson Almazan, nakarating sa kanila ang umano’y pangongotong nina Jose at Radovan sa mga motorista sa Bonifacio Drive sa Intramuros, Maynila.
Nang makumpirma, ikinasa ng CITF ang entrapment operation at nagpanggap na driver ang isang pulis at isa pang operatiba ang umaktong angkas sa isang motorsiklo.
Ngunit bago humantong ang operasyon sa inaasahang pangongotong, inaresto nina Jose at Radovan ang mga operatiba ng CITF.
Nakiusap umano ang mga tauhan ng CITF na kumpirmahin ang kanilang pagkakakilanlan, subalit hindi raw sila pinakinggan ng dalawang pulis at tinutukan ng baril at isinakay sa tricycle.
Napakawalan lamang ang mga miyembro ng CITF nang dumating ang main team ng CITF na silang umaresto kina Jose at Radovan. (Beth Camia)