Maaaring maapektuhan ang trabaho sa Kamara de Representantes kung igigiit ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang agresibong pagpupursige na mapagtibay ang muling pagbuhay sa parusang kamatayan sa bansa.

Ito ang babala kahapon ng miyembro ng opposition bloc na si Akbayan Party-list Rep. Tom Villarin, tinukoy ang banta ni Alvarez na aalisin sa posisyon ang mga opisyal ng Kamara na hindi boboto sa pagpapasa ng House Bill (HB) No. 4727 kahit bahagi ang mga ito ng supermajority.

Inaasahang pagbobotohan ngayong Miyerkules, Marso 1, ng 293 miyembro ng Mababang Kapulungan ang panukala.

“As to the threat of stripping the House members of their Committee memberships, I think it could reflect badly on the leadership considering that many of those I know who would vote 'no' are senior members of the House,” sinabi ni Villarin sa isang press conference kahapon.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“You need such legislators to run Committees in the House. In a way by stripping them of Committee chairmanships, that could possibly hinder the functions of the House,” paliwanag ni Villarin, miyembro ng “Magnificent Seven”.

Gayunman, napaulat na humiling ang ilang Katolikong solon—na hindi pinangalanan—na ipagpaliban ang botohan sa ibang araw dahil nataong Ash Wednesday ngayong Marso 1.

Tinututulan ng grupo ang pagbabalik ng parusang kamatayan sa bansa, na inilarawan naman ni Alvarez bilang prioridad na panukala ni Pangulong Duterte.

Iniulat na tinanggal na rin ang treason, plunder at rape sa mga kasong maaaring parusahan ng kamatayan, at tanging mga kasong may kinalaman na lamang sa droga ang maaaring patawan ng nabanggit na maximum penalty.

(Ellson A. Quismorio)