NAGBIGAY ng reaksiyon si Miss Universe 2015 Pia Alonzo Wurtzbach tungkol sa pagkakamali sa Oscars awarding rites at sinabi na maaari itong mangyari kahit kanino.
“And if it can happen to me, it can happen to anybody,” ani Wurtzbach, sa kanyang tweet na may kasamang clip mula sa isa niyang endorsement.
Matatandaan na noong Disyembre 2015, aksidenteng inihayag ni Steve Harvey si Miss Colombia Ariadna Gutierrez bilang panalo sa Miss Universe sa halip na si Pia.
Sa Oscars show kamakalawa, aksidente ring inihayag ng mga presenter na sina Warren Beatty at Faye Dunaway ang La La Land bilang panalo sa best picture sa halip na ang Moonlight. Kinumpirma ng producer na si Jordan Horowitz na nagkaroon nga ng pagkakamali.
Mabilis ang reaksiyon ng Oscar host na si Jimmy Kimmel habang naka-live broadcast: “Personally I blame Steve Harvey for this.”
Agad na tumugon ang Miss Universe Organization nang mangyari ito.
“Have your people call our people - we know what to do,” saad sa tweet ng MUO na umani ng mahigit 16,000 retweet sa loob ng isang oras simula nang i-post.
Humingi naman ng paumanhin si Beatty tungkol sa kanilang pagkakamali.
PIA SA SINGAPORE
Isang buwan matapos ipasa ang kanyang korona, balik-telebisyon si Wurtzbach bilang isa sa mga judge ng Asia’s Next Top Model Cycle 5 na ipapalabas sa Abril 5.
“Catch the season premiere of @asntm on April 5 as I judge to find Asia’s Next Top Model,” ani Wurtzbach sa Instagram.
Inilahad ng Filipino-German beauty queen na magiging abala siya sa Top Model show pagkatapos ng kanyang reign.
Kumalat ang mga haka-haka noong Disyembre 2016 na lalabas ang beauty queen bilang isa sa mga judge ng kompetisyon nang mamataan siya sa Singapore na kasama ang host ng palabas na si Cindy Bishop.
Sinasabi sa mga bali-balita na lalabas si Wurtzbach sa ilang episode ng show.
Inihayag ng beauty queen na pansamantala siyang babalik sa New York nang pumirma siya sa IMG Models talent agency.
Idinagdag niya na magtatrabaho pa rin siya bilang ambassador ng Miss Universe Organization.
Kasintahan ni Pia ngayon ang Filipino-Swiss F1 driver na si Marlon Stockinger. (ROBERT R. REQUINTINA)