Bigo ang kampo ni Senator Leila De Lima na makakuha agad ng paborableng aksiyon mula sa Supreme Court (SC) kaugnay ng inihain nitong petition for certiorari and prohibition na humihirit na pawalang-bisa ang arrest warrant na inilabas ng ng Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) Branch 204 laban sa senadora.

Hindi muna kasi inaksiyunan ng Korte Suprema ang hiling na TRO at status quo ante order ni De Lima.

Sa halip, inatasan ng Kataas-Taasang Hukuman ang mga respondent sa kaso, kabilang na si Judge Juanita Guerrero ng Muntinlupa RTC, at ang Philippine National Police (PNP) na magkomento sa petisyon ni De Lima sa loob ng 10 araw, o hanggang Marso 10.

Itinakda naman ng Korte Suprema ang oral arguments sa Marso 14 para dinggin ang panig ng magkabilang kampo.

National

Ex-Rep. Castro, positibong uusad impeachment vs VP Sara; 'wag lang makikialam si PBBM?

Sa kanyang petisyon, hiniling ni De Lima na maisantabi ang warrant of arrest na inisyu ng Muntinlupa RTC Branch 204, at magpalabas ng writ of prohibition na pumipigil sa hukom na magsagawa ng mga paglilitis sa kaso hanggang hindi pinal na nareresolba ang motion to quash na inihain ng senadora.

Sa kanyang motion to quash, kinuwestiyon ni De Lima ang hurisdiksyon ng RTC sa kanyang kaso. (Beth Camia)