NARINIG ko na naman ang 3-STRIKE POLICY sa mga press release ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP).
Lumalabas palagi ang mga salitang ito tuwing may pinalalakas na operasyon ang mga pulis laban sa mga ilegal na gawain gaya ng sugal, droga, bold show at mga krimeng gaya ng kidnapping, bank robbery, at carnapping – at ang masasabi ko:
“Napalabas at napanood” ko na ang mga ito!
Ang ibig sabihing nito, para sa mga kababayan nating ‘di pa ito “napapanood” – isa itong babala para sa mga nakaupong opisyal ng PNP sa mga istasyon ng pulis sa buong kapuluan na hindi sila dapat masangkot ng tatlong beses sa mga ilegal na gawaing may koneksiyon sa droga, sugal at mga malaswang palabas sa kani-kanilang mga “Area of Responsibility” (AOR) dahil ito ang magiging dahilan para agad silang masibak sa puwesto. Gayundin, kapag may naganap na tatlong magkakasunod na kidnapping, bank robbery at carnapping, siguradong sibak agad ang opisyal sa lugar.
Nadagdagan pa ito sa ngayon – na kapag sa isang istasyon ay may tatlong tiwaling pulis na nahuli na naging dahilan ng pagkakasibak ng opisyal dahil umano sa kapabayaang madisiplina ang mga tauhan niya.
Sa ilalim ito ng - PNP Memorandum Circular No. 2017-13 - the PNP Internal Cleansing Strategy na may petsang February 21, 2017 – “The administrative relief of the Unit Commander and their reassignment to appropriate Personnel Holding and Accounting Unit (PHAU) will be undertaken if three (3) personnel of a particular unit were found positive in drug test, caught by other units for involvement in heinous and high profile crimes, or failure to take immediate action on reports of involvement in illegal activities of their personnel that are brought to their attention.”
Sa biglang tingin, ang kautusang ito na muling ipinalabas ni PDDG Ronald “Bato” dela Rosa, CPNP, ay napakaganda at epektibo para madisiplina ang mga pulis lalo na ang mga opisyal na may malaking responsibilidad sa kanilang AOR – huwag lamang sanang samantalahin ng mga opisyal na “naglalaway” na makuha ang isang puwesto para “tiryahin” ang nakaupong opisyal at masibak.
Nangyayari ‘yan noon pa at... hanggang sa kasalukuyan – nagagawan ng mga ambisyosong opisyal na ito na may magkakasunod na krimeng maganap sa inaambisyon nilang AOR para mapatalsik ang nakaupo sa pamamagitan ng “3-STRIKE POLICY” na ito. Siyempre, sa tulong naman ng kanilang mga NINONG na gaya nilang tiwali ring matataas na opisyal ng PNP at pulitikong kakailanganin ang kanilang pagiging “expert” sa kalokohan sa naturang AOR, ay makukuha nila ang puwesto.
Ito pa rin ang pinaniniwalaan kong magpapatino sa PNP – promotion by the MERITS and ACCOMPLISHMENTS – ng mga opisyal na tunay na nagtatrabaho at hindi sumisipsip lang sa mga padrino.
(Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)