Binigyang-diin ni Senator Manny Pacquiao na walang kinalaman si Pangulong Rodrigo Duterte sa nangyaring rigodon sa Senado nitong Lunes, nang alisan ng committee chairmanships ang mga senador na miyembro ng Liberal Party.
Ito ang nilinaw ni Pacquiao kahapon, kasunod ng pagkumpirma niyang nagkaroon ng meeting sa kanyang bahay nitong Linggo ng gabi, na dinaluhan ng 15 senador, upang talakayin ang reorganisasyon sa Mataas na Kapulungan.
Sa isang panayam, nilinaw ng boxing champ sa mga mamamahayag na hindi alam ng Presidente ang tungkol sa pulong at iginiit na taliwas sa mga ulat ay hindi naimpluwensiyahan ng Pangulo ang rigodon sa Senado.
“We always believe that we’re independent in the Senate,” sabi ni Pacquiao, idinagdag na hindi naman tamang akusahan si Duterte na nasa likod ng pagtatanggal ng committee chairmanships sa mga LP senator.
MEETING SA BAHAY NI PACQUIAO
Gayunman, inamin ni Pacquiao na sa nasabing pulong sa kanyang bahay napagdesisyunan ang pagpapatalasik sa posisyon kina Senators Franklin Drilon, Francis Pangilinan, Bam Aquino at Risa Hontiveros.
Matatandaang si Pacquiao, pangunahing kaalyado ni Duterte, ang nagmosyon sa pagsisimula ng plenary session upang ideklarang bakante ang posisyon ng Senate President Pro Tempore, gayundin ang chairmanship sa Senate committees on agriculture, education, at health.
Si Senator Ralph Recto ang pumalit kay Drilon bilang Senate Presidente Pro Tempore, habang si Sen. Cynthia Villar ang pumalit kay Pangilinan bilang chairperson ng agriculture committee; si Sen. Francis Escudero ang humalili kay Aquino sa education committee; habang si Sen. JV Ejercito ang bagong health committee chairman kapalit ni Hontiveros.
Gaya ni Pacquiao, sinegundahan din ni Villar na may kinalaman ang Pangulo sa rigodon sa Senado.
“He never interfered with us. Parang ‘problema n’yo ‘yan, you solve your own problem,” sabi ni Villar.
RESPETADO ANG ‘INDEPENDENCE’
Sinegundahan naman ng Malacañang ang naging pahayag nina Pacquiao at Villar, at binigyang-diin na inirerespeto ng administrasyong Duterte ang “independence” ng Senado.
“Malacañang respects the independence of the Senate and does not interfere in its internal affairs. The Senate is composed of 24 senators. So each senator has a mind of his own so that’s equivalent of, as somebody said, 24 republics which no President can control,” sinabi ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella sa press briefing sa Palasyo kahapon.
“The stripping off of the committee chairmanships happens every Congress. What happened yesterday (Lunes) is majority rules and, as we all know, Senate decisions have always been a consensus,” dagdag ni Abella.
Sinabi rin niyang kung may impluwensiya man ang Malacañang sa Senado ay magbubunsod ito sa “better working relationships” sa Mataas na Kapulungan. (ELENA L. ABEN at GENALYN D. KABILING)