MEXICO CITY (AP) — Balik aksiyon si Novak Djokovic, balik din ang ngitngit niya sa laban.
Naitala ni Djokovic ang 6-3, 7-6 (4) panalo kontra Martin Klizan ng Slovakia nitong Martes (Miyerkules sa Manila) sa opening round ng Mexican Open. Ito ang una niyang panalo mula nang masilat sa second round ng Australian Open.
"It's always tough to win the first match but I'm happy with my game, especially in the first set, hopefully I can keep playing like that", pahayag ni Djokovic.
Sumabak ang 29-anyos Serbian star sa unang torneo mula noong Enero 19 nang matalo siya ni Uzbekistan's Denis Istomin.
Naisalba ni Djokovic, naglaro sa unang pagkakataon sa Acapulco, ang apat na break point para makamit ang panalo sa first set.
Naghirap siya sa second set at nangailangan ng tiebreaker para gapiin si Klizan sa loob ng isang oras at 30 minuto.
Sunod na makakaharap ni Djokovic ang mananalo kina Juan Martin Del Potro at American Frances Tiafoe.
"'Delpo' plays tonight but I'm going to go to my bed", pahayag ni Djokovic.
Liyamado si Djokovic, umatras sumabak sa Dubai sa unang pagkakataon sa nakalipas na pitong taon, sa torneo na kinabibilangan din ni second seeded Spaniard Rafael Nadal, nagwagi kay Mischa Zverev, 6-4, 6-3.
Sunod na haharapin ni Nadal, two-time winner dito, si Italian Paolo Lorenzi. Tangan niya ang 11-0 record sa Mexico.
Umusad din sa susunod na round si third-seeded Marin Cilic nang pabagsakin si wild card entry Alexandr Dolgopolov, 6-3, 4-6, 6-0, gayundin si American Sam Querrey, nanalo kay Kyle Edmund ng Great Britain, 6-4, 4-6, 6-3.