GAYA ng banta ng Abu Sayyaf, pinugutan nga nito ang German na may-ari ng yate na si Jurgen Gustav Kantner dakong 3:30 ng hapon nitong Linggo, Pebrero 26, sa Barangay Buanza, Indanan, Sulu. Lampas ito ng 30 minuto sa palugit ng mga bandido para bayaran ang hinihingi nilang P30-milyon ransom.
Pareho rin ang ginawa nila sa dalawang Canadian na una nilang binihag. Pinalaya ng grupo ang isang Pilipina at isang Norwegian nilang bihag matapos na maluklok sa puwesto si Pangulong Duterte at hilingin ang tulong ng Moro National Liberation Front (MNLF). Kalaunan, sinabi ng Malacañang na kung nagkabayaran man ng ransom ay hindi ito alam ng Palasyo, ngunit sinabi ng mga source sa pulisya na nagbayad ng P30 milyon ang pamilya o ang gobyerno ng Norwegian.
Tunay na ang matinding opensibang militar ang magbibigay-tuldok sa mga pagdukot ng Abu Sayyaf. Inihayag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nagpadala ito ng 14 na batalyon upang tugisin ang Abu Sayyaf at sinuyod ang mga pinagkukutaan ng mga ito hindi lamang sa Sulu at Basilan, na teritoryo ng mga bandido, kundi maging sa Lanao del Sur at sa iba pang bahagi ng kanlurang Mindanao.
Higit pang naging kumplikado ang sitwasyon sa ulat na hangad ng Islamic State, na pinupuntiryang magtatag ng caliphate sa Gitnang Silangan, na magkaroon ng kampo sa Timog-Silangang Asya dahil na rin sa malaking populasyon ng mga Muslim sa rehiyon at ang Abu Sayyaf sa katimugang Mindanao ang naging pangunahing tagasunod ng teroristang grupo.
Napupurnada ang mga operasyon ng Islamic State sa Syria at Iraq sa nakalipas na mga linggo at pinangangambahan ang posibilidad na ilipat sa ibang bahagi ng mundo ang ideyolohiya ng Islamic State, gaya sa Pilipinas, o kaya naman ay magkaroon ng cyber force ng mga jihadist na nagkakani-kanyang atake sa iba’t ibang dako ng daigdig, ngunit pinagbubuklod ng iisang ideyolohiya at paraan ng paglikom ng pondo.
Ngunit ang lahat ng ito ay isa lamang pagtanaw sa hinaharap na kinakailangang magbigay-daan sa suliranin sa kasalukuyan — na para sa Pilipinas ay ang pagpapatuloy ng mga operasyon ng Abu Sayyaf. Sinabi ni AFP chief of staff Gen. Eduardo Año na inaasahan ng militar, sa ilalim ng bagong commander-in-chief nito na si Pangulong Duterte, na magagapi ang Abu Sayyaf sa loob ng anim na buwan. Iyan ay sa Hunyo 2017.
Tinatangka ng gobyerno na makipagkasundo sa iba’t ibang grupong rebelde sa bansa — ang gobyernong Aquino sa Moro Islamic Liberation Front (MILF), at ngayon ang administrasyong Duterte administration sa New People’s Army (NPA), at maging sa MNLF. Ang mga ito ay ang mga pangunahing armadong grupo na may matagal nang kasaysayan ng rebelyon sa bansa.
Hindi natin dapat na kalimutan ang mas maliliit na grupong tulad ng Abu Sayyaf at ng Maute Group na mistulang walang planong makiisa sa usapang pangkapayapaan gaya ng MILF, ng MNLF, o ng NPA. Partikular na katatapos lamang paslangin ng Abu Sayyaf ang dayuhang bihag nito at maaaring sa kasalukuyan ay naghahanap na naman ng panibagong bibihagin upang makasingil ng ransom.
Nangako ang AFP na dudurugin ang Abu Sayyaf sa loob ng anim na buwan. Sa nakalipas na mga panahon, labis tayong umasa sa kakayahan ng ating Sandatahang Lakas, at kumpiyansa tayo ngayon na maisasakatuparan nito ang ipinupursige.