DAHIL sa mistulang pagbabangayan na yumayanig sa Lehislatiba at Hudikatura, biglang sumagi sa aking utak ang napapanahong babala ng Phivolcs (Philippine Institute of Volcanology and Seismology) hinggil sa magnitude 7.2 earthquake na maaaring ibunsod anumang oras ng paggalaw ng West Valley Fault.
Kaakibat ito ng paalala ni Phivolcs Director Renato Solidum sa mamamayan na sila ay marapat matuto sa pamiminsala kamakailan ng magnitude 6.7 earthquake sa Surigao del Norte; na sila ay kailangang maging handa sa lahat ng pagkakataon.
Sa isang paghahambing, ang lindol na yumanig sa Senado ay may kaugnayan sa biglang pagbalasa sa pamunuan ng mahahalagang komite sa kapulungan at mistulang pagpapatalsik sa mga Senador na pawang kaalyado ng nakaraang administrasyon. Nayanig din ang sistema ng hudikatura dahil naman sa sinasabing masasalimuot na eksena kaugnay ng umano’y wala sa lugar na pag-aresto kay Senador Leila de Lima; mga alegasyon na maaaring idulog sa Korte Suprema. Ang gayong mga pangyayari ay maliwanag na may bahid-pulitika.
Hindi ito ang pag-aaksayahan natin ng panahon. Kailangang ikintal natin sa isipan ang mahihigpit na tagubilin ng Phivolcs upang mapaghandaan ang matinding epekto ng mga kalamidad, lalo na nga ang pinangangambahan nating ‘The Big One’. Huwag naman sanang mangyari, subalit may pahiwatig ang nabanggit na ahensiyang pampanahon na kung ito ay magaganap, libu-libo ang hindi makaliligtas at katakut-takot ang mawawasak na gusali, tulay at iba pa.
Ginulantang tayo kamakailan ng pagkamatay ng walong katao sa Surigao City nang ito ay nilindol. Bukod pa rito ang nawasak na mga school building, tulay at mga kalsada. Tiyak na matatagalan pa upang manumbalik ang dating maunlad na siyudad at iba pang bayan. Ganito rin ang ating nasaksihan nang mawasak din ang mga sinaunang simbahan sa Bohol nang ito ay yanigin din ng lindol. Malilimutan ba natin ang malaking hotel sa Baguio City at mga paaralan sa Nueva Ecija nang ang mga ito ay sabay-sabay na pinadapa ng malakas na lindol maraming taon na ang nakalilipas?... Napapanahon ang pagpupulong kamakailan ng mga miyembro ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) upang ilatag nito ang mga preparasyon sa magnitude 7.2 earthquake na maaaring yumanig sa Metro Manila at sa buong bansa anumang oras. Itinampok sa pulong ang pagpapakilos sa local government units (LGUs) para sa dagliang pagsaklolo sa mga mangangailangan ng relief assistance.
Marapat ding maging bahagi ng mga preparasyon ang pagsusuri sa ‘structural integrity’ o katatagan ng mga sinaunang simbahan sa iba’t ibang panig ng bansa; ang gayong mga gusali ay maaaring manganib sa lindol. Makabuluhan din ang paglalagay ng mga tsunami early-warning devices sa mga coastal town. Higit sa lahat, marapat ang regular na earthquake drill bilang bahagi ng paghahanda sa ‘The Big One’. (Celo Lagmay)