MAS marami pang music lovers ang pahahangain ni Jona sa kanyang kahusayan sa pagkanta ngayong mapakikinggan na ang kanyang inaabangang unang self-titled album sa ilalim ng Star Music.
Simula nang maging bagong tahanan niya ang ABS-CBN, lalong dumami ang mga tagahanga ng power belter at lalong naging matagumpay ang kanyang career. Naging interpreter siya sa Himig Handog P-Pop Love Songs 2016 (Maghihintay Ako), umawit para sa 25th anniversary compilation album ng Maalaala Mo Kaya (Because You Loved Me), napanood sa kanyang kauna-unahang major solo concert bilang Kapamilya (Queen of the Night: Jona), at naging bahagi ng tinaguriang Birit Queens ng ASAP.
“Sobrang colorful ng unang taon ko sa ABS-CBN. Marami akong first time na nagawa sa career ko. At ngayon, finally, nandito na ang album ko na sobrang proud na proud ako. Masasabi kong isa itong dream come true,” pahayag ni Jona.
Kaabang-abang ang mga bagong awiting handog ni Jona dahil ilang orihinal na awitin ang laman ng kanyang self-titled album gaya ng carrier single nitong Ano Nga Ba Tayo?, ang Magtibay na duet nila ng Asia’s Songbird na si Regine Velasquez, Till the End of Time, Ano Bakit Paano, at Last Message.
Bukod sa ilang original songs, mapakikinggan din ang kanyang versions ng ilan sa mga pinasikat niyang TV at movie theme songs tulad ng I’ll Never Love This Way Again mula sa Barcelona: A Love Untold, You na theme song ng Star Cinema movie na My Ex and Whys, at Maghihintay Ako mula sa Himig Handog 2016.
Napakinggan ang mga awiting ito nang live sa kauna-unahang pagkakataon nitong nakaraang Sabado sa grand launch ng album sa Vista Mall Taguig.
Simula naman nitong Lunes (Pebrero 27), napakinggan na ang kanyang buong album sa Spotify.
Kabilang din sa track list ang tatlong bonus tracks na Ano Bakit Paano (cinematic version), Till the End of Time tampok ang BoyBandPH, at I’ll Never Love This Way Again kasama si Gary Valenciano.
Ang Jona ay ipinrodus nina Patty Mayoralgo at Jonathan Manalo. Magiging available ang album sa lahat ng leading music stores simula Marso 3 (Biyernes) at maaari na rin itong i-download worldwide simula Marso 4 (Sabado).
Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin lamang ang Starmusic.ph o sundan ang official social media accounts ng Star Music sa Facebook.com/starmusicph, Twitter.com/starmusicph, at Instagram.com/starmusicph.