Sa kabila ng panawagan ng mga grupo ng guro na dagdag sahod, sinabi ni Education Secretary Leonor Briones na hindi underpaid ang mga guro – lalo na ang mga nagtuturo sa mga pampublikong paaralan.

Sinabi ni Briones na “public school teachers are well-compensated which is far from the old notion that teachers are underpaid.” Patunay nito, aniya, ang salary range ng mga guro sa public school.

“Teacher 1 receives a monthly compensation of up to P24,000, including benefits,” dagdag niya.

Inilabas ni Briones ang pahayag sa gitna ng mga panawagan ng iba‘t ibang grupo ng mga guro na suspendihin ang implementasyon ng kalalabas na Joint Circular (JC) No. 1, series of 2017 o ang Revised Guidelines on the Use of the Special Education Fund (SEF).

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sa bagong JC, nagkasundo ang DepEd, Department of Budget and Management (DBM), at Department of Interior and Local Government (DILG) na baguhin ang mga alituntunin at patakaran sa paggamit at layunin ng SEF alinsunod sa Republic Act No. 7160, o mas kilala bilang Local Government Code (LGC) of 1991.

Gayunman, tinututulan ng mga guro ang pagpapatupad sa bagong JC dahil tinatanggal nito ang mga allowance na ibinibigay ng local government units (LGUs) sa mga guro ng DepEd na hinugot mula sa SEF.

Sinabi ni Briones na hindi siya tutol sa pagbibigay ng LGU ng mga karagdagang kompensasyon sa mga guro sa pampublikong paaralan “because it is their prerogative,” ngunit idiniin na “these additional financial compensation should be from legitimate sources such as the General Fund.”