Kinondena ng Germany ang kasuklam-suklam na pagpatay ng teroristang Abu Sayyaf Group (ASG) sa isang mamamayan nito.

Inilabas ng grupo ang video ng pamumugot sa 70-anyos na si Juergen Gustav Kantner nitong Lunes matapos pumaso ang palugit sa hinihingi nilang P30 milyong ransom noong Linggo. Kapwa nanindigan ang gobyerno ng Pilipinas at Germany sa ‘no ransom policy’.

Tinawag ni Germany Chancellor Angela Merkel ang pagpatay na “barbaric” at “abhorrent”, at nanawagan ng pagkakaisa ng mundo laban sa terorismo.

Nagimbal si government spokesman Steffen Seibert sa nangyari at sinabi na ipinakita ng insidente ang kawalang-konsensiya at hindi makataong gawain ng ASG.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Nagpahayag ang gobyerno ng Pilipinas ng matinding kalungkutan sa pagkamatay ni Kantner sa kamay ng ASG nitong weekend.

Sa inilabas na pahayag kahapon, kinondena ng Department of Foreign Affairs ang “cruel and inhuman act” na ginawa ng grupong nakipag-alyansa sa teroristang Islamic State of Iraq and Syria (ISIS o IS).

“The Philippine government will do its utmost to ensure that the perpetrators of this heinous crime are brought to justice,” saad sa pahayag.

Nagpaabot din ang DFA ng pakikiramay sa pamilya at mga kaibigan ni Kantner at sa gobyerno at mamamayan ng Germany.

Dinukot si Kantner noong Nobyembre habang sakay ng yate kasama ang asawang si Sabine Merz sa baybayin ng Sabah.

Pinatay si Merz nang magtangkang manlaban. (PNA, Roy C. Mabasa)