PANALO si President Rodrigo Duterte sa kanyang laban kay Sen. Leila de Lima. Naipabilanggo niya ang Senadora bunsod ng kasong illegal drugs na isinampa ng Department of Justice sa Muntinlupa Regional Trial Court na ang hukom ay si Judge Juanita Guerrero na ilang beses nakabangga ni De Lima.
Mahigpit na kritiko ni Mano Digong si Sen. Leila at naging kontra-pelo niya ito sapul nang simulan nito ang imbestigasyon sa pagkakasangkot umano ni PDu30 sa Davao Death Squad (DDS) noong siya pa ang alkalde ng lungsod. May 1,000 drug pusher at user umano ang napatay sa DDS sa utos ng alkalde. Itinanggi ito ni Duterte.
Hindi nakalimutan ng dating alkalde ang ginawang imbestigasyon ni De Lima na noon ay puno ng Commission on Human Rights (CHR). Malimit sabihin ni PRRD na ngayong siya ang Pangulo, makabubuti pa kay Leila na “magpakamatay” sapagkat siya ay tiyak na mabibilanggo.
Nanindigan si De Lima na siya ay inosente sa bintang sa kanya at idineklarang karangalan niya ang makulong dahil sa pagsasalita laban sa extrajudicial killings (EJKs) at human rights violations (HRVs) na umano’y kagagawan ng Duterte administration. Siya ngayon ay nakakulong sa Camp Crame.
Siyanga pala, ibinunyag ng 2 kongresista ang umano’y anomalya sa integratesd terminal, partikular sa South terminal at Southwest terminal, na isinusulong ng Dept. of Transportation (DoTr).
Sa pagdinig ng House committee on transportation tungkol sa ulat ng interim terminal at southwest integrated passenger terminal, sinabi ni Manila Rep. Manuel “Manny” Lopez na “nakakalungkot pong isipin na ang mga kontrata na dapat tutulong sa karaniwang mamamayan ay napagsasamantalahan.”
Itinanong ni Lopez sa mga kinatawan ng DoTr, “Kung kanino bang interes ang kanilang pinagsisilbihan? Ang gobyerno ba o ang oligarch? Puro lang mayayaman ang namamayagpag sa Pilipinas”.
Ayon sa Tondo solon: “Ayaw ko ho na pati ang kasamahan ko sa komite ay maging bahagi ng pag-apruba ng ganyang mga uri ng kontrata na dagdag perhuwisyo sa tao sa halip na makatulong.”
Sinabi ni Cebu Rep. Gwendolyn Garcia na bagamat ang napagkasunduang PPP modality ay nasa ilalim ng Build Operate and Operate (BOT) scheme na ang awtor... ay si ex-Bataan Rep. Felicito “Tong” Payumo, ang pamahalaan ay magbabayad din sa mga grantors ng P277 milyon at P100 milyon para sa South at Southwest terminals.
Para kay Pope Francis, mas mabuti pa ang isang atheist na hindi naniniwala sa Diyos kaysa mga Katoliko na ipokrito o “Catholic hypocrites”. Prangka si Lolo Kiko nang sabihin niya na hindi kanais-nais ang mga Katolikong namumuhay ng “hypocritical double life.” Dagdag pa ng Santo Papa: “May nagsasabi na ako ay Katoliko, laging nagsisimba at nakikinig ng misa, ako ay kabilang sa ganito at gayong samahan”.
Gayunman, ang taong ito (Katoliko) ay isang mapagkunwari at ibang-iba ang pamumuhay kaysa sinasabi at hindi sumusunod sa mga utos ng Diyos. (Bert de Guzman)