Napatay kahapon ng pulisya ang isa sa mga leader ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa Zamboanga Peninsula at naaresto ang dalawang kasamahan nito, habang nasugatan naman ang isang pulis sa panlalaban ng mga bandido sa pag-aresto sa Alicia, Zamboanga Sibugay, kahapon ng umaga.
Batay sa ulat, tinangkang arestuhin ng Zamboanga Sibugay Police Provincial Office (ZSPPO), dakong 3:00 ng umaga, sa Sitio Tarlah, Barangay Tampalan, Alicia, si Imam Yasin.
Wanted si Yasin sa kasong pagpatay sa bayan ng Ipil, ayon sa Alicia Municipal Police.
May arrest warrant din si Yasin sa kasong pagdukot at pangingikil sa isang lokal na opisyal at negosyante sa Zamboanga Peninsula.
Kinilala naman ang mga naarestong tauhan ni Yasin na sina Aujaje Mon Abdul at Murad Mohammad.
Ayon sa report, armado si Yasin ng M14 rifle nang makipagbarilan sa mga operatiba ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) na nagtangkang umaresto sa kanyang.
Nasugatan naman sa engkuwentro si PO2 Larry Falitnang, ng 84th Special Action Force Company ng SAF.
Iniimbestigahan na ng mga awtoridad sina Abdul at Mohammad, na nakapiit ngayon sa himpilan ng Sulu Police Provincial Office. (Fer Taboy)