IPINAHAYAG ng PBA na tatlong venue ang pagdarausan ng PBA All-Star Weekend.
Kinumpirma ni Quezon Governor Jayjay Suarez na isa ang Lucena City – venue ng klasikong Game 2 ng OPPO-PBA Philippine Cup finals – sa gaganapan ng All-Stars ngayong season.
Kabilang din ang Cagayan de Oro at Cebu para maging venue ng idaraos na 3- leg midseason extravaganza na tatampukan ng paglalaro ng mga miyembro ng Gilas Pilipinas sa lahat ng nasabing tatlong venue.
Magsisimula ang All-Star week sa Cagayan de Oro sa Abril 26, kung saan ang mga PBA players na tubong Mindanao tulad ni Mac Belo na nagmula sa Midsayap, North Cotabato ay lalaro laban sa Gilas.
Mapapalaban naman ang Gilas sa Luzon players sa Abril 28.
Ang mga side events gaya ng Obstacle Challenge, Three-Point Shootout, at Slam Dunk Contest ay gaganapin sa Lucena.
Gaganapin naman ang huling araw sa Cebu sa Abril 30 kung saan ang mga PBA stars kabilang si dating Gilas at three-time PBA Most Valuable Player June Mar Fajardo ay lalabanan kontra sa National Team. (Marivic Awitan)