Halos pitong buwang binihag ng Abu Sayyaf Group (ASG) ang isang walong taong gulang na lalaki bago ito pinalaya nitong Lunes matapos magbayad ng P3-milyon ransom ang mga magulang nito sa Patikul, Sulu.
Batay sa ulat ng Sulu Police Provincial Office (SPPO), bandang 6:00 ng gabi nitong Lunes nang pinalaya ng mga bandido ang paslit sa Barangay Anuling, Patikul, Sulu.
Sinalubong ni Barangay Chairperson Ging Hayudini ang bata at dinala sa airport ng Jolo, kung saan naghihintay ang grupo ni Sulu Gov. Abdul Sakur Tan.
Agosto 5, 2016 nang dinukot ng Abu Sayyaf ang bata kasama ang mga magulang nito sa Barangay Kulisap sa Payao, Zamboanga Sibugay.
Unang pinalaya ng mga bandido ang ina ng bata na si Nora Romoc, hanggang palayain din ang asawa ni Nora na si Elmer Romoc, kawani ng Municipal Treasurer’s Office ng Payao, noong Nobyembre makaraang magbayad ng ransom.
Naibalik na ang bata sa kanyang mga magulang matapos suriin ng mga doktor.
GERMAN TINULUYAN
Pinalaya ang bata kasunod ng kumpirmadong pamumugot ng ASG sa bihag nitong German na si Juergen Kantner nitong Linggo ng hapon sa Indanan, Sulu makaraang mabigong mabayaran ang P30-milyon ransom.
Napaulat na isinapubliko pa ng ASG ang video sa aktuwal umanong pamumugot sa dayuhan.
Lunes ng gabi naman nang kinumpirma at kinondena ni Presidential Peace Adviser Jesus Dureza at ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na pinugutan na nga si Kantner nitong Linggo. (FER TABOY at BETH CAMIA)