Labinlimang dayuhan na sangkot sa online gambling, lima sa kanila ay babae, ang inaresto nang salakayin ng Anti-Cybercrime Group (ACG) ang kanilang opisina sa isang commercial building sa Pasig City, kinumpirma ng police official.
Ayon kay Supt. Jay Guillermo, tagapagsalita ng ACG, naaresto rin sa operasyon ang isang Pinoy na kinilalang si Russlebert Yuzon Villar.
Kinilala ang mga naarestong Chinese, sinasabing on-line gambling operators, na sina Wu Haotao, Hu Ha, Li Jing, Fei Yang, Jiang Peng, Lin Peng, Li Jian, Zgang Xian Ji, Guo Han at Guo Ming Jie. Ang mga babae naman na naaresto ay sina Wei Xue Ling, Xu Zhixia, Shi Yun, Gao Zi Zhuang at Lian Ling Fang.
Sila ay sinasabing konektado sa YD International Inc. na may tanggapan sa ika-18 palapag ng Belvedere Tower sa kahabaan ng San Miguel Avenue sa Quezon City.
“This company is playing online games. This means that they are operating as an illegal online gambling,” ayon kay Guillermo.
Aniya, nakipagtulungan sila sa iba’t ibang ahensiya at kanilang nalaman na hindi nakarehistro ang nasabing kumpanya para magpatakbo ng online game. Ito, aniya, ang dahilan kung bakit ikinasa ang operasyon.
Sinabi rin ni Gullermo na sa itsura pa lamang ng opisina ay kahina-hinala na dahil sa mga nakasulat na Chinese characters. Nalaman lamang umano ng kanyang mga tauhan ang ilegal na gawain ng kumpanya sa tulong ng isang informant.
“It took us two months before we identify and locate them,” sabi ni Guillermo.
Nahirapan ang awtoridad, ayon kay Guillermo, dahil ang website na ginagamit ng mga naarestong suspek ay nakabase sa ibang bansa. Ngunit ang 15 Chinese na nakabase sa Pilipinas ay nagpapanggap na mga call center agent sa kanilang mga kliyente. (AARON RECUENCO)